Mga Pahina

Linggo, Marso 24, 2013

Balita-OPLAN: Ligpit Basura

Kapit-Bisig: Kapwa nagtulong-tulong
 ang mga estudyante sa paghihiwalay
 ng basura


OPLAN: Ligpit Basura,           isinagawa
ni Jobi C. Castaňeda
          Sa layuning mapanatiling maganda ang paaralan ng Zamboanga Sibugay National High School, Campus A at B, isinagawa noong Hunyo 29, 2012 ang OPLAN: Ligpit Basura.
       Isinagawa ito sa dakong alas 4:00 ng hapon pagkatapos ng klase. Bawat estudyante ay may dalang walis at iba pang gamit sa paglilinis. Inatasan ang bawat seksyon na magdala ng apat na sako para lagyan ng mga basurang di-nabubulok.
          Pinangunahan ang naturang aktibidades ng mga opisyales ng Supreme Student Government (SSG) ng ZSNHS.
           Sa Campus A, sinimulan ang paglilinis sa likod ng kubeta at sa Campus B naman sa gilid ng IV-Malvar.
       Tulong-tulong ang mga mag-aaral sa paghihiwalay at paghahakot ng basura. Hindi nila inalintana ang masangsang na amoy nito.
         Nagbunga ang gawaing ito sa malinis na kapaligiran at tuloy-tuloy na pagsunod sa tamang paghihiwalay ng basura.



Editoryal-Haircut


Wastong Gupit Kailangan
ni Christine T. Lim

Lingid na sa kaalaman ng bawat mag-aaral ng Zamboanga Sibugay National High School ang responsibilidad ng bawat isa pagdating sa paglilinis. Lahat ay inatasan kung saang parte ng paaralan maglilinis nang sa ganoon ay mapanatili ang kalinisan saan mang sulok ng paaralan.
Dagdag dito, kinakailangan din na kaaya-ayang tingnan ang mga mag-aaral suot ang kumpletong uniporme nang sa ganoon ay hindi lamang ang paaralan ang malinis kundi pati na rin ang mga mag-aaral lalong-lalo na ang panlabas na kaayusan.
Nakasaad sa School Rules and Regulations ng ating paaralan na nabibilang sa Disciplinary Action ang pagpapagupit ng bawat mag-aaral na lalaki kapag kinakailangan na itong gupitan. Kalakip nito ay ang parusang ipapataw kapag umabot na ito sa ikatlong babala. Pwede silang hindi papasukin sa loob ng paaralan. 
Gayunpaman, malaki rin ang naitutulong nito sa kalinisan ng bawat mag-aaral. Ayon sa ating SpEd Head na si Mrs. Doris B. Mancao, napakaganda ang kalalabasan nito. Magiging kaaya-ayang tingnan ang bawat mag-aaral na lalaki. Isa pa, maganda rin ito bilang isang magandang halimbawa sa nakararami na siyang basehan upang sundin ng bawat estudyante.
Bilang isang mag-aaral ng paaralang ito, nararapat lamang ang mahigpit na pagsasatupad ng batas na ito upang madisiplina ang bawat estudyante.
Ayon sa ating prisipal, mahigpit niyang sinabi ang katagang ito, “No Prescribed Haircut, No Exam”.

Biyernes, Marso 22, 2013

Lathalain-Roshena...




Roshena…
ni Lardel Kent D. Caray
 
Hyper. Masayahin. Magalang. Positibo.
Iilan lamang ang mga salitang iyan na mailalarawn mo kapag siya’y iyong masilaya’t makilala.Sa unang sulyap ng iba sa kanya, hindi mawari ang damdamin nila. Matatawa, maaawa o ngingiti lamang ay ilan sa reaksyon ng iba sa kanya. Ngunit kung kikilalaning mabuti ay maiintindihan mong kakaiba siya sa lahat.
 Siya ay si Roshena Ragay, estudyante ng Zamboanga Sibugay National High School. Hindi man siya katulad ng iba sa pisikal na kaanyuan, o hindi kaya’y sa mental na aspeto, katulad din siya natin: nasasaktan, nagagalit at umiiyak. Hyper siya kung tawagin sapagkat sa kabibuhan at kalikutan, malilimutan mong siya’y pintasan.
Palaging masayahin sa  kabila ng mga bagay-bagay. Nagbibigay saya sa bawat isa, kaibigan man, kaklase o maging sa mga guro.
Kung ‘di mo alam ay palaging siyang magalang sa lahat ng guro at maging sa mga kaklase. Sasabihing “good morning” o hindi nama’y “hello” sa bawat taong makakasalubong niya.
 Kung iyong ihahanay ang iba niyang katangian, masasabi mong positibo siya sa lahat ng bagay sa kabila ng mga kakulangan niya.
Kung ihahambing, ang mga taong tulad niya’y pambihira. Siya’y isang perlas sa loob ng kailaliman ng dagat. Mahirap mang sisirin at hindi gaanong kaakit-akit ang panlabas, ngunit matitiyak mong lilitaw ang angking ganda nito kapag iyong bubuksan na mamahalin at ipagyayaman.
Siya ang nilalang na dapat tularan ng sinuman. Siya ang tunay na modelo ng sangkatauhan.

Lathalain-Gapos ng Uso


Gapos ng Uso
ni Jhievand W. Montero


                             “Nang ika’y ibigin ko,
       Mundo ko’y biglang nagbago…”

            Sa tingin ko’y alam  na ninyo kung ano ang tono at pamagat sa likod ng dalawang linyang iyan? Sino ba naman ang hindi makakaalam sa kinagigiliwang kanta na dating luma at biglang nauso,ang Pusong Bato. Paano kasi, pamagat pa lang kuha na ang atensyon ng madla, mapabata man o matanda.
            Minsan, inutusan ako ni nanay na bumili ng gulay sa palengke. Sa aking pamimili may dumaang kumakanta sa likod ko at ako’y napalingon at sabay sabi, “Ano ba iyon?” Iyon pala’y isang beking kumakanta ng Pusong Bato na  naka-headset at feel na feel kahit tinitingnan na ng mga natatawa o naiiritang mukha ng mga tao.
            Pag-uwi ko naman papuntang bahay, huminto muna ang drayber ng sinasakyan kong tricycle sa isang karenderya para bumili raw ng ulam. Sa tindahan ay may videoke at nakita ko ang dalawang hindi ko alam kung magkasintahan ba na nagdu-duet ng kantang Pusong Bato na naman. Halos mag-agawan na sa mikropono ang dalawa pagdating ng chorus ng kanta. Todo palakpakan, hiyawan at hagalpakan naman ang mga taong nakapalibot sa kanila pati rin ang drayber ng sinasakyan ko’y nakalimutan na atang may pasahero siya .
              Hhayy…Iba-iba talaga ang trip ng mga tao pagdating sa mga uso. Parang sa tingin ko nga isa na ako sa mga nakamemorya ng kantang ito dahil sa pabalik-balik ko nang naririnig kahit saan man ako pumunta. Patunay lamang ito na kahit sino’y hindi makakawala sa gapos ng uso.
                                                     

Editoryal- Cybercrime Law

guhit na cartoon ni Wendel Rei G. Lagroma

Cybercrime Law, Sagot sa Karahasan sa Social Media
ni Christine T. Lim

            Dulot ng makabagong teknolohiya, naging pugad ang kompyuter ng iba’t ibang gawain at libangan ng tao tulad ng Facebook, Twitter at marami pang iba. Sa kabila nito, hindi maiiwasang may mga tao pa ring umaabuso sa paggamit nito na siyang sanhi ng pagkasira ng reputasyon ng ibang tao. Paano kaya maiiwasan ito? Ano nga ba ang tanging solusyon upang ito’y tuluyan nang mabura sa ating lipunan?
            Isang bagong panukalang batas ang isinatupad kamakailan lang noong Setyembre 12, 2012 na kilala  bilang Cybercrime Prevention Act of 2012 o R.A.10175. Nakasaad dito na kung sinuman ang magpost ng libelous comment o mapanirang komento ay makukulong ng 12 taon at magbabayad sa tinatayang halaga na isang milyon. Bukod dito, malaki rin ang naitulong ng naturang batas upang masugpo ang karahasan sa Social Maedia tulad ng Cyber-crime, Cyber-piracy, Cyber-bullying, Cybersex at marami pang iba.
            Sa pamamagitan nito, hindi basta makakaabuso at makakapanakit ang mga taong mapagsamantala dahil sa mabigat na itinakdang parusa na kanilang haharapin kapag sila ay lumabag sa mga probisyon ng batas.
            Bilang solusyon, nararapat lamang ang pagsasatupad ng R.A.10175 na nagsilbi bilang isang napakalaking tulong hindi lamang sa mga tao na gumagamit ng kompyuter kundi lalo na sa mga taong nabiktima.