ni Lardel Kent D. Caray
Hyper. Masayahin. Magalang. Positibo.
Iilan lamang ang mga salitang iyan na mailalarawn mo kapag siya’y iyong masilaya’t makilala.Sa unang sulyap ng iba sa kanya, hindi mawari ang damdamin nila. Matatawa, maaawa o ngingiti lamang ay ilan sa reaksyon ng iba sa kanya. Ngunit kung kikilalaning mabuti ay maiintindihan mong kakaiba siya sa lahat.
Siya ay si Roshena Ragay, estudyante ng Zamboanga Sibugay National High School. Hindi man siya katulad ng iba sa pisikal na kaanyuan, o hindi kaya’y sa mental na aspeto, katulad din siya natin: nasasaktan, nagagalit at umiiyak. Hyper siya kung tawagin sapagkat sa kabibuhan at kalikutan, malilimutan mong siya’y pintasan.
Palaging masayahin sa kabila ng mga bagay-bagay. Nagbibigay saya sa bawat isa, kaibigan man, kaklase o maging sa mga guro.
Kung ‘di mo alam ay palaging siyang magalang sa lahat ng guro at maging sa mga kaklase. Sasabihing “good morning” o hindi nama’y “hello” sa bawat taong makakasalubong niya.
Kung iyong ihahanay ang iba niyang katangian, masasabi mong positibo siya sa lahat ng bagay sa kabila ng mga kakulangan niya.
Kung ihahambing, ang mga taong tulad niya’y pambihira. Siya’y isang perlas sa loob ng kailaliman ng dagat. Mahirap mang sisirin at hindi gaanong kaakit-akit ang panlabas, ngunit matitiyak mong lilitaw ang angking ganda nito kapag iyong bubuksan na mamahalin at ipagyayaman.
Siya ang nilalang na dapat tularan ng sinuman. Siya ang tunay na modelo ng sangkatauhan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento